Bakit Tagalog

Bakit ako nagsusulat sa Tagalog? Or in other words, sa Filipino. Sila ay magkaiba kung di mo natatanong subalit saka ko na ipapaliwang ang kanilang pagkakaiba.

Matagal ko ng sinubukang alamin ang pinakaugat ng mga problema ng bansang Pilipinas. May ideya na ako sa solusyon sa polusyon, kahirapan, kamangmangan at kung ano-ano pang obvious na problema ng ating bansa. Subalit alam ko na upang tuluyang mawala sila ay kailangan kong masolusyunan ang ugat ng lahat ng ito.

Inisip ko dati na ang ugat na yon ay ang values na meron ang Pilipino. Di kaya ay ang kawalan ng disiplina sa sarili o ang sadyang pagiging sakim. An dami dami pang beses ko naisip na ang personal na katangian nga ng Pinoy ang ugat ng mga problema na kinakakaharap ng bayang Pinas.

Noon lamang nag-report ako sa Filipino 40 ko natuklasan ang tunay na ugat – yan ang kawalan ng pagmamahal sa sariling wika. Tama nga na masahol tayong lahat sa malansang isda. Tayong lahat ay matagal nang nahahalina sa wika ng ibang bansa. Nahahalina at nakukulong sa kanilang kultura. Marami sa atin ang sa loob ng ating sarili ay naghahangad na sana sa ibang bansa nakatira. Na sana sa ibang bansa pinanganak. Minsan sa sobrang hangarin natin maging banyaga mas alam pa natin ang kanilang kultura, tradisyon at wika.

Kung ating titingnan kalimitan sa mga bansa na maunlad ay nagmahal ng sarili nilang wika. Sila man ay nasakop at naalipin ng banyaga, nagpursigi parin silang ibalik ang sariling kanila nung sila ay makalaya. Ang kanilang naging kalayaan ay tutal – pisikal, puso at isipan. Ang Pinoy lumaya nga ngunit sa pisikal lamang. Ang kanyang puso at isipan ay nananatiling sakop ng banyaga.

Maging ako guilty dito. Mas alam ko pa paano ipahayag ang sarili ko sa Ingles at yan ay mapapatunayan ng mga journals ko kung saan mas madalas na Ingles ang behikulo ko upang masulat ang mga damdamin ko. At ang subukang sila ay isulat sa Filipino ay masyadong mahirap para sa akin. Paano nagkaganoon ngayong ako ay Pilipino? Hindi ba’t parang sinabi ko narin na mas madali ang ipahayag ang pagka-Pinoy ko sa salitang Ingles? Di ba ironic iyon?

Guilty ako. Subalit sisikapin kong magbago. May 20 taon ako para paghandaan ang aking pagiging pangulo ng bansa. Ang paghahanda na ito ay hindi ko lamang dapat ilimita sa pagtuklas at pag-aaral pano pa magiging mas magaling na lider, sa pagttrabaho upang magkapondo, sa pag-aaral pano papatakbuhin ang isang bansa. Ang aking paghahanda ay dapat ibilang din ang aking pagiging bihasa sa sarili kong wika. Bihasa na ako sa lingua franca ng buong mundo. Dapat maging bihasa din ako sa sarili kong wika ng sa gayon mahihikayat ko ang aking kapwa mamamayan na kung lahat tayo ay magpapakabihasa na sa sarili nating wika – darating din ang panahon na maibabalik ang sarili nating identidad, uunlad tayo at gagalangin sa buong mundo bilang Pilipino – sa isip, sa salita at sa gawa.

Originally written: August 23, 2008

**disclaimer:
This is a long-delayed blog. Opinions/circumstances may have long since changed.

Manners in the Philippines

Noong isang araw nabasa ko sa isang dyaryo na malala na daw ang problema natin pagdating sa tamang asal. Marami na sa mga tao sa mundo ang bastos ng hindi man lang nila alam.

Ayon sa artikulo, halimbawa ng mga ito ay yung malalakas magsalita pag nasa publiko na parang pagmamay-ari nila ang buong public space. Hindi na nila naisip na hindi interesado ang ibang tao di naman nila kilala sa kanilang kwento. Nasaan na nga ang paggalang sa karapatan ng iba sa katahimikan at ang decorum na hinaan man lang ang boses?

Isa pang halimbawa ay ang PDA na kung noong araw ay bawal na bawal makita sa publiko. Ngayon hindi na lamang holding hands na tanggap na sa lipunan ngayon ang ginagawa ng mga mag-nobyo. May nakasakay ako sa dyip na sa aking opinyon ay masyadong mainit at hindi kayang ilayo ang mga labi sa isa’t isa. Sadyang wala na bang kontrol ang mga tao na maghintay na sila ay mapag-isa?

Sinambit din sa artikulo ang mga taong mahilig magsalita habang puno ang bibig – minsan ay tumatalsik pa ang pagkain; ang mga sinasagot ang cellphone sa gitna ng isang pormal na okasyon at ni hindi man lamang lumalabas o hinihinaan ang boses; ang mga obvious na obvious na nagtetext sa harap ng isang nagsasalita; at marami pang iba.

Sa dami-dami ng mga halimbawang sinambit ng sumulat ng artikulo na yon, di ko akalain na makaka-witness ako ng isang aktwal na kabastusan sa isang pampublikong lugar kanina. At sa aking pananaw di hamak na mas malaking kabastusan ito kaysa sa mga nasambit na kanina.

May mag-iina na naghihintay na matawag ang kanilang numero upang mapasyos ang kanilang cellphone. Sexy ang nanay – naka-shorts, mukhang bata pa. Tatlo ang anak nya – ang panganay ay siguro nasa huling baitang ng elementarya, ang kasunod ay nasa mga Grade 3-4 at ang bunso ay malamang pre-school pa lang. Ang tatlong bata ay naglalaro – habulan marahil sa may reception area ng paayusan ng cellphone na nasa isang mall. Yapak ang bunso.

May isa pa silang kasama – mas matanda sa kanila ng malamang mga sampung taon pero sa aking pananaw mas bata pa sa kanila sa pag-iisip. Bakit kamo? Tama ba ang sabunot-bunotan niya ang mga kasama nyang bata sa harap ng madaming tao? At hindi dahil galit sya, kundi dahil nang-aasar sya. Ang sabunotan na ito ay nauwi sa harutan kung saan nagpapaluan na sila. at habang nalilingit ang tingin nila sa bunso, ito naman ay nandoon sa TV ng naturang repair shop – kung ano-ano ang kinakalikot.

Hindi pa nakuntento dyan, lahat ng mabakanteng upuan sa harap ng tellers ng repair shop inuupuan nila at nilalaro nila ang mga gamit sa desk ng tellers. Umaalis lamang sila kapang napagsabihan na ng susunod na dapat uupo dun. Halatang halata na kung pupwede lang eh pinalayas na sila ng mga tellers ng tuluyan sa loob ng repair shop. At bukod pa riyan, habang naghihintay matapos ang transaksyon ng kanilang ina, ang pangalawang bata ay panay ang pagsuklay sa kanyang ina at pag-ayos sa buhok nito – tila nasa bahay lang sila at naglalaro ito ng parlor-parlor.

Ano ang ginagawa ng nanay? Wala. Ni hindi madalang pagsabihan ang mga anak. Di ko tuloy alam kung sya ba ang mali ang pagpapalaki sa mga anak nya o ang mga magulang nya ang mali ang pagpapalaki sa kanya.

Noong bata ako natatandaan ko na sa oras na kami ay lumabas ng bahay at nasa isang publikong lugar dapat naming i-behave ang sarili namin. Oras na mahuli kami na naghaharutan, matalim na tingin ang unang warning. Pag hindi sinunod, malakas na tapik sa kamay. Pag hindi pa rin ilalayo kami ng nanay namin hanggang sa nasa isang pribadong lugar na at doon pagsasabihan. Pagkauwi sa bahay, doon na kami mapapalo. Kaya lumalaki kami na marunong maging pormal sa publiko. Ang laro sa bahay hindi dinadala sa publiko. Natututo kami pahalagahan ang karapatan ng ibang tao sa kanilang espasyo. Natuto kaming maging ginoo at binibini.

Totoo nga ba na nawawala na ang kagandahang asal sa lipunan ngayon? Bawat tao ba ay liberated na to the point na pakiramdam nila ay bahay nila ang mga publikong lugar. Nagiging bastos na nga ba ang sambayanang Pilipino?

*sinulat ko ang artikulo na ito sa Filipino pagka’t hanggad ko ang pag-unlad ng ating wika na syang susi sa kaunlaran ng ating bansa. Bagaman hindi pa ako bihasa sa sarili nating wika at mas kabisado ko parin ang wikang Ingles (sadyang nahirapan akong isulata ito sa Filipino) ako ay magsusumikap na mapagbuti ang aking pagsusulat at pananalita sa wikang katutubo. Kung gaano ako kabihasa sa wikang banyaga ditapwa’t dapat mas bihasa pa ako sa wikang sariling akin.